Kung si Jak Roberto ay may “JRU"o Jak Roberto University na itinuturo ang Anti-Silos Class, may pantapat naman dito ang aminadong selosong boyfriend na si David Licauco na “DLSU.” Alamin kung ano ito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda episode nitong Martes, sinabi ng King of Talk sa guest na si David na, “Si Jak ay merong JRU – Jak Roberto University... Kung si Jak meron no’n, ano naman meron si David?”
Natatawang sagot ni David, “'DLSU'. David Licauco Seloso University.”
Nagkomento si Tito Boy na marami ring mag-e-enroll sa unibersidad ni David.
“Palagay ko rin Tito Boy,” sabi ni David.
Sa pagsalang ni David sa Fast Talk segment, sinabi niyang may pagkaseloso siya bilang nobyo.
“Oo eh. Siguro depende rin sa context of the situation. Siyempe kung lalabas naman talaga ‘yung girlfriend mo with her friends, kailangan mong intindihin ‘yun. Pero minsan kasi may guys na iba ‘yung pakay," paliwanag ng aktor.
"As a guy, alam ko kung ano ‘yung lalaking puwede mong pagkatiwalaan at hindi mo puwedeng pagkatiwalaan,” dagdag ng “Maging Sino Ka Man” actor, na katambal si Barbie Forteza, na real life nobya ni Jak.
Pero ayon kay David, hindi siya ang tipo ng lalaki na makikialam sa suot ng kaniyang nobya.
“Hindi. Seloso ako in a way pero I don’t really say it na ‘Hoy nagseselos ako ah.’ Siyempre hindi naman maganda. Siyempre meron din siyang sarili niyang buhay, may sarili akong buhay, sarili ko lang. I’ll just keep it to myself,” paliwanag niya.
Matatandaang biniro si Jak ng netizens na gumawa ng “anti-silos” memes dahil sa hindi umano niya pagseselos sa pagiging magka-love team at magkasama ng nobya niyang si Barbie at David.
Hinala ng aktor, nagsimula ang "anti-silos" memes sa GMA Gala 2023 nang magkakahiwalay silang rumampa sa red carpet nina Barbie, at David na kapareha ngayon ng aktres sa “Maging Sino Ka Man.”
Kasunod na nito ang pagsakay ni Jak sa tinatawag na ngayong anti-silos classes, na may kasama pang dance step.-- FRJ, GMA Integrated News