Inihayag ng mga veteran choreographer na sina Geleen Eugenio at Maribeth Bichara na hindi lahat ng artista na naturuan nilang magsayaw o natulungan na sumikat ay marunong tumanaw ng utang na loob.

Inihayag ito ng dalawa nang tanungin ng King of Talk sa episode na "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, kung grateful o marunong tumanaw ng utang na loob ang mga celebrity o artista na kanilang nakatrabaho.

"Hindi lahat," sabi nina Geleen at Maribeth.

Pero dugtong na paglilinaw ni Geleen, karamihan naman daw ay marunong tumanaw ng utang na loob.

Naikuwento rin ni Geleen ang nangyari sa isang celebrity na hindi niya pinangalanan na "primadona and everything," nang maitanong ni Tito Boy ang tungkol sa artistang mahirap turuan.

Ayon kay Geleen, sa inis daw ng kaniyang mga dancer sa artista ay inihulog ito.

"Bad yung dancers ko hinulog siya. Kasi bad siya [artista]," ani Geleen. "Primadona and everything."

Humirit pa umano ang artista na palitan ang kaniyang ang choreography.

"So nagsumbong na yung mga dancer sa akin. Sabi ko, 'O, what can you do?' Let's change it kasi ayan na, show na. Eh may lifting ''yon," sabi ni Geleen.

Si Maribeth, wala naman daw naging katulad na karanasan ni Geleen. Siya na raw mismo ang nagpapalit ng choreography kapag napansin niyang awkward o off sa artista ang sayaw.

Sa mga bagong celebrity o stars na nakatrabaho o napapanood, sinabi ni Geleen na si Marian Rivera ang nakikita niyang mahusay magsayaw na inilarawan niyang "total package."

Si Maribeth naman, bukod kay Marian, binanggit ang mga pangalan nina Yassy Pressman at Maja Salvador.

Pero nais daw niyang palitan nang kaunti ang style ng dalawa kapag nakatrabaho para masamahan ng grace and jazz. --FRJ, GMA Integrated News