Isang contestant ang masuwerte at kauna-unahang nanalo ng P1 million jackpot sa “May PaKEY Sa 'Yo” segment ng Eat Bulaga nitong Sabado.

Matapos unang hindi makasagot, nakatama at nakakuha ng susi ang contestant na si Arlene para makapili ng kahong naglalaman ng premyo.

Sa ikalawang round, binuksan ang mga kahon at si Arlene ang masuwerteng nakapili ng P50,000 para makahakbang sa jackpot round.

Sa jackpot round, pinili ni Arlene ang asul na susi na magbubukas ng asul na kahon.

Kamuntikan silang manalo ng house and lot ng asawang si Ruben na nasa violet na kahon, ngunit hindi niya pinili ang susi na violet, na paboritong kulay ng kaniyang mister.

Sa huli, nanindigan si Arlene sa susi na asul na kaniyang paboritong kulay.

Nang buksan ni Paolo Contis ang asul na kahon, tumambad ang premyo ng mag-asawa na P1 milyon.

Samantala, nakipagkulitan din ang ilang GMA Integrated News reporter at anchor sa Eat Bulaga, nang masubukan ang talas ng kanilang isip at teamwork sa segment na “Word of the Rings.”

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend, sinabing Team 1 sina Emil Sumangil at Maureen Schrijvers, habang Team 2 sina Raffy Tima at Aubrey Carampel.

Competitive ang dalawang panig ngunit hindi pa rin naiwasan ang kulitan, hanggang sa magwagi ang Team 1 na nakakuha ng sagot sa mas maikling oras. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News