Pasilip-silip, may hawak na mic, nakagapos at iba pang nakakaaliw na memes ang nagawa na tungkol kay Jose Mari Chan kapag papasok na ang "ber" month. Pero anong meme kaya ang gustong makita sa susunod ng tinaguriang "The Father of Philippine Christmas Music?"
Sa panayam ng GMA show na "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabi ni Chan na natutuwa siya sa mga meme na ginagawa tungkol sa kaniya.
"I really wonder who's behind the memes, I mean who created those memes," saad niya na sa pagkakaalam niya ay nagsimula 10 years ago.
"Thank you very much for making me one of the symbols of Philippine Christmas," dagdag niya.
Tinanong ng host na si Susan Enriquez si Chan kung anong meme na hindi pa nagagawa ang gusto niyang makita sa susunod.
Ayon sa mang-aawit, gusto niyang makakita ng meme niya na pagkagising niya sa umaga ay may parol na nakasabit sa bintana.
"I'm waking up early in the morning and then there's a parol sa window, 'Wow! it's Christmas," saad niya. —FRJ, GMA Integrated News