Hindi napigilan ni Yasmien Kurdi na maging emosyonal na mapag-usapan ang kaniyang ina na nakikipaglaban sa kidney disease.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Yasmien na sumailalim sa dialysis ang kaniyang ina.
Noong Agosto 8, pinayagan ng mga duktor na umuwi na ang kaniyang ina habang naghihintay ng kidney donor.
"I love my mom so much and mag-isa akong anak, I try to do everything for her because I love her," saad ng aktres. "It's really hard, I know, lalo na iyong mga nag-aalaga diyan ng mga may kidney problem na parents, talagang sacrifice siya. Kasi kailangan maglaan ka ng schedules in a week para lang doon dahil lifeline na nila 'yun eh."
Sa kabila ng pagsubok, sinabi ni Yasmien na humuhugot siya ng lakas mula sa kaniyang asawa at anak.
"Nandito kami for my mom. Pinapadama talaga namin sa kanya na nandito kami, may pamilya siya, na hindi lang siya mag-isa and ayun, happy ako dahil marami kami nandito, marami akong karamay para harapin ko 'to," ayon kay Yasmien.
"Ang hirap lang makita 'yung mahal mo sa buhay na nagkakaganun ang 'yung nararanasan niya, 'yung hirap. At hindi ko kaya, parang nadudurog lang talaga 'yung puso ko," sabi pa ng aktres.
Iniaalay ni Yasmien ang kaniyang upcoming series na "The Missing Husband," sa kaniyang ina na naging overseas Filipino worker sa Middle East.
Ilan sa mga eksena ng serye ang kinunan sa United Arab Emirates, at tumulong ang aktres sa pag-translate ng ilang Arabic words.
"I am half-Arab. Malapit sa puso ko dahil growing up in Kuwait, na-experience kong lumaki with my OFW titas and titos," ani Yasmien.
Gagampanan ni Yasmien ang role ni Millie, ang asawa ng karakter ni Rocco Nacino, na mauubos ang kabuhayan matapos ma-scam ng kaibigan.
Kasama rin sa proyekto sina Jak Roberto, Sophie Albert, Joross Gamboa, Nadine Samonte, Shamaine Buencamino, Michael Flores, Maxine Eigenmann, Cai Cortez, Bryce Eusebio, at Patricia Coma.
Sa direksyon ni Mark Reyes, mapapanood ang "The Missing Husband" sa GMA Afternoon Prime at Pinoy Hits simula sa August 28. —FRJ, GMA Integrated News