Aminado si Jak Roberto na nalulungkot siya sa fans na hindi naiintidihan ang trabaho nilang mga artista. Idinagdag din ng aktor na wala silang pakialaman ng kaniyang nobyang si Barbie Forteza pagdating sa kani-kanilang proyekto.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, inamin ni Jak na hindi niya gusto na pinepersonal ng ibang fans ang artista.

"Nakakalungkot lang po kasi may mga comments na parang pine-personal na. Minsan nakakapagsabi na ng hindi magandang salita," anang aktor.

Gayunman, nauunawaan daw ni Jak na isa siyang public figure bilang artista,  gayundin ang damdamin ng fans para sa kanilang idolo.

"Nalulungkot lang ako sa iba na sana maintindihan nila 'yung trabaho tsaka sa personal na buhay," hiling niya.

Tinanong ni Tito Boy si Jak kung mayroon silang usapan ni Barbie pagdating sa trabaho para protektahan ang kanilang relasyon kapag ipinareha sa ibang artista.

"Wala po talaga kaming pakialaman sa trabaho po. Kumbaga parehas po kaming aktor, pero pagdating sa trabaho, trabaho po. Pagdating sa love life, love life," ayon kay Jak.

Ayon kay Jak, hindi siya nagselos o nakaramdam ng pagiging insecure sa anim na taon ng relasyon nila ni Barbie.

"Hindi Tito eh, kaya siguro naging professor ako ng anti-silos class," hirit ni Jak.

Hinala ng aktor, nagsimula ang "anti-silos" memes sa GMA Gala 2023 nang magkakahiwalay silang rumampa sa red carpet nina Barbie, at David Licauco na kapareha ngayon ng aktres.

Tila ipinagtaka ng fans na hindi nagseselos si Jak sa pagiging magka-love team at magkasama nina Barbie at David.

Kasunod na nito ang pagsakay ni Jak sa tinatawag na ngayong anti-silos classes, na may kasama pang dance step.

Mapapanood si Jak sa upcoming series na "The Missing Husband," habang magkasama naman sa "Maging Sino Ka Man"sina Barbie at David.—FRJ, GMA Integrated News