Bilang pagkilala sa suporta ng Hollywood actor na si Harrison Ford sa pangangalaga sa kalikasan, ipinangalan sa kaniya ng mga mananaliksik sa Peru ang nadiskubreng bagong species ng ahas.
Sa ulat ng Agence France-Presse, Mayo 2022 nang madiskubre ang ahas na may habang 16 na pulgada sa kabundukan ng Otishi National Park, San Marcos National University.
Pero kamakailan lang nakumpirma ng mga dalubhasa na hindi pa naitatala ang naturang ahas na pinangalanang Tachymenoides harrisonfordi, na hango sa pangalan sa bida ng pelikulang "Indiana Jones."
Mayroong yellowish-brown color ang ahas, black spots, black belly at copper eyes.
Ang team na pinapangunahan ng US-German biologist na si Edgar Lehr, ang unang nakakita sa ahas.
Ayon kay Lehr, ipinangalan nila kay Ford ang ahas dahil sa aktibo ang aktor sa environmental issues.
"I found out that Harrison Ford agreed to have his name used via a consultation that Conservation International made", patungkol niya sa isang NGO.
Nadiskubre umano nila ang ahas sa lugar na mapupuntahan lang sa pamamagitan ng helicopter.
"It took us seven days to find it," ani Lehr.
Wala umanong panganib sa adult humans ang ahas, at mga palaka at lizards ang pinupuntirya nito.
Pinangunahan ni Lehr ang grupo ng mga mananaliksik mula sa San Marcos National University, Florida International University at Illinois Wesleyan University.
Nalathala noong Martes ang impormasyon sa bagong diskubreng ahas sa Salamandra, ang German Journal of Herpetology. — AFP/FRJ, GMA Integrated News