Tatlo pang lugar sa bansa ang nagpasa ng resolusyon para ideklarang persona non grata ang drag artist na si Pura Luka Vega.
Sa Facebook post ni Laguna board member Christian Niño Lajara, sinabi nito na inaprubahan ng Laguna Provincial Council ang naturang resolusyon laban kay Pura.
“As leaders of our province, it is our duty to uphold the values of respect and dignity towards our fellow individuals. We should not tolerate any attacks or disrespect towards our cultures and beliefs,” saad ni Lajara.
“By declaring Persona Non Grata, we are reminding everyone that being a celebrity or personality should never be an excuse to offend or insult our traditions and beliefs,” dagdag pa niya
Idinagdag pa ni Lajara na nakikiisa ang Laguna sa iba pang lokal na pamahalaan “in expressing our dismay and disappointment[.]”
Inaprubahan din ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro ang resolusyon ni Councilor Ian Mark Nacaya laban kay Pura dahil sa umano'y “sacrilegious acts” na ginawa nito.
Sa Nueva Ecija, ang resolusyon na ideklarang persona non grata si Pura ay inihain ni 3rd District Board Member Jojo Matias.
Ayon kay Matias, “Walang puwang ang hindi marunong rumespeto sa damdaming relihiyoso dito sa Nueva Ecija.”
Nauna nang idineklara si Pura, o Amadeus Fernando Pagente, na persona non grata sa General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, at maging sa City of Manila, dahil sa pagtatanghal niya na nakabihis na tila Itim na Nazareno at pagpapatugtog ng rock remix ng "Ama Namin."
Itinuturing ng ilang politiko at netizens na blasphemous ang ginawa ni Pura.
Sa mga naunang pahayag, iginiit ni Pura na hindi niya nais mambastos ng relihiyon at idinepensa ang kalayaan sa pagpapatupad ng sining.
"I just want to create a narrative that despite all of these, Jesus, as the embodiment of God's love for all, does not forget about the oppressed, including the LGBTQIA+ community," paliwanag niya.
Naglabas din siya ng saloobin kaugnay sa pagdedeklara sa kaniyang persona non grata ng ilang lugar sa Pilipinas.
"Tell me exactly what I did wrong," saad ni Luka sa post. "I'm open for a dialogue, and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance." -- FRJ, GMA Integrated News