Nilinaw ni Herlene Nicole “Hipon Girl” Budol na posibleng sumali pa siya sa mga beauty pageant.

Sa "Not Gonna Lie" segment ng programang "Dapat Alam Mo!," tinanong ng mga host na sina Susan Enriquez at Kim Atienza si Herlene kung sasali pa ba siya sa beauty pageants.

“Sasali pa ba ko, oo o hindi?" tanong ng actress ang beauty queen bago sinabi ang sagot na, "Oo ata. Maybe. Puwede bang maybe?”

Lumabas naman sa lie detector na "truth" ang kaniyang sagot.

Dito na sinabi ni Kuya Kim ang YouTube video ni Herlene kamakailan na emosyonal niyang inihayag na signed off na siya sa pageantry.

“Hindi po, kasi po sinabi ko po yung I’m signing off kasi wala pa pong Miss Philippines Tourism na ipagdadayo ko po,” paliwanag ni Herlene.

“Kumbaga, wala pa pong franchise na nakukuha dun sa international para sa paglalabanan ko,” patuloy niya.

Ayon pa sa "Magandang Dilag" star, “Lalaban pa rin pa naman ako sa international pero after po nun, baka magpahinga po ako at papagalingin ko lang po muna yung sarili ko. Mag-focus po muna ko sa kung ano yung meron po ako ngayon.”

Sa nasabing YouTube video, inihayag ni Herlene na hindi na siya sasabak sa beauty pageants.

Noong nakaraang buwan, kinoronahan si Herlene bilang Miss Philippines Tourism sa Miss Grand International pageant.

Sa inilabas na pahayag ng ALV Pageant Circle at Miss Grand Philippines, inihayag nito na, “we have not yet issued any official confirmation regarding Miss Grand Philippines Tourism 2023 Herlene Budol's participation in the Miss Tourism World pageant.”

"Our Miss Philippines Tourism title is a generic title with no contractual obligation to any international pageant,” patuloy nito.

Bago nito, naging first runner-up si Herlene sa Binibining Pilipinas 2022.— FRJ, GMA Integrated News