Masayang ibinihagi ni Gina Alajar na sa kaniyang edad na 64 ay walo na ang kaniyang apo.

Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, tinanong si Gina kung ano ang kaibahan ng pagiging isang ina sa pagiging isang lola.

“Alam mo hindi ko rin alam kung ano ang pagkakaiba. Pero totoo ‘yung sinasabi nila na ‘pag sa apo, mas pasensyoso ka, mas binibigay mo ang lahat ng layaw. Kapag naglambing sa ‘yo, malambot na agad ‘yung puso mo, you cannot say no,” sabi ng batikang actress-director.

Ayon pa kay Gina, mas ipinatutupad niya ang disiplina sa kaniyang pagiging ina kaysa sa pagiging isang lola.

“Hindi katulad sa anak na may mga pagkakataon na kailangan kang maging matigas kasi ayaw mong lumaki sa luho,” dagdag niya.

Kuwento ni Gina, naunawaan na siya ng anak niyang si Ryan Eigenmann nang maging tatay na rin ito.

“Sabi niya raw kasi he used to resent me na kapag meron siyang hiningi tapos hindi ko ibinigay. And then noong nagkaroon na siya ng sarili niyang pamilya, nagkaroon na siya ng sarili niyang mga anak, naiintindihan na niya because merong mga times talaga na he has to be firm doon sa decision niya na ‘No, you cannot get it now,’” pagbahagi niya.

Tatlo ang anak ni Gina sa dati niyang asawa na si Michael de Mesa, na sina Geoff, AJ at Ryan Eigenmann. -- FRJ, GMA Integrated News