Matutupad na ang pangarap ng isang amang sapatero na makapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang anak dahil sinagot ng "Eat Bulaga" ang pang-tuition nito na ibinigay nina Isko Moreno at Buboy Villar.
Sa episode ng "G sa Gedli" nitong Lunes na naka-post sa Facebook page ni Isko, ang dating jeepney driver na naging sapatero sa Las Piñas City na si "Tata Rosy," ang masuwerteng nabiyayaan ng mga regalo.
Kuwento ni Tata, dati siyang jeepney driver pero natigil sa pamamasada nang magkaroon ng pandemic. Pero sa halip na sumuko, dumiskarte siya sa pagiging sapatero upang patuloy na maitaguyod ang pamilya.
Pero dahil sa kakapusan ng kita, hindi na naipagpatuloy ng dalawa sa kaniyang tatlong anak na makatungtong ng kolehiyo.
Ayon kay Tata, P80 hanggang P150 lang ang singil niya sa mga nagpapaayos o nagpapalinis sa kaniya ng sapatos. Sa karaniwang araw, nasa P300 umano ang kaniyang kinikita.
Sa pagtatanong ni Yorme Isko, sinabi ni Tata na kurso para sa catering sana ang gustong kunin ng kaniyang anak. Pero dahil sa kakapusan ng pera, hindi na ito naituloy.
Patuloy ni Tata, nasa P10,000 ang tuition ng anak sa isang semester. Dalawang semester ito sa isang taon, at dalawang taon ang kurso, na katumbas ng kabuuang P40,000.00.
Dahil nakita nina Yorme ang kagustuhan ni Tata na makatapos ng pag-aaral ang anak, binigyan ng Eat Bulaga ng P40,000.00 ang amang sapatero.
Pero pinapangako ni Yorme si Tata na gagamitin ang naturang pera sa pagpapaaral ng anak.
"Anak, siguro makakatapos ka na, ito ibinigay na ng Eat Bulaga [ang pang-tuition mo]," ani Tata.
Matapos bigyan ng P40,000.00 na pang-tuition, bumunot pa ng P15,000 si Yorme para maipasyal at maibili ng damit ang kaniyang pamilya.
Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Tata kina Yorme, Buboy at sa Eat Bulaga!
Nitong nakaraang linggo, ni-renew ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang rehistro ng TAPE Inc. para sa trademark o pangalang "Eat Bulaga." -- FRJ, GMA Integrated News