Inihayag ni Herlene Budol ang kaniyang panig tungkol sa ilang usapin na siya ang “cause of delay” umano sa taping ng pinagbibidahan niyang afternoon series na “Magandang Dilag.”

Sa episode ng “Dapat Alam Mo!” nitong Miyerkules, si Herlene ang naging panauhin at sumalang sa lie detector test sa “Not Gonna Lie” segment.

“Totoo ba na nagiging cause of delay ka sa taping ng iyong drama series na ‘Magandang Dilag’ dahil sa dami-dami ng raket mo?” tanong ni Kuya Kim Atienza kay Herlene.

“I’m not gonna lie Kuya Kim and Ate Sue (Susan), yes,” tugon ng Kapuso actress-comedian.

Ngunit may paliwanag si Herlene kung bakit ito nangyari.

“May explanation naman po diyan. Isang beses lang po akong na-late dahil po roon sa strike sa amin sa Angono, Rizal. May sasakyan naman po ako pero ‘yung mga nakaparada po kasing mga jeep na nagprotesta, sa amin po pinarada, so wala po akong malabasan noon.”

Matapos nito, hindi na naulit pa na na-late si Herlene sa set.

“So once is enough, hindi na po naulit ‘yon,” saad niya.

Nakapagtala ng mataas na rating na 11.3% ang Magandang Dilag noong Hulyo 26.

"11.3 thank you everyone grabe 'yung buhos ng pagsuporta n'yo," sabi ni Herlene sa Instagram.

Kabilang sa kasama ni Herlene sa series sina Benjamin Alves, Rob Gomez, Adrian Alandy, Sandy Andolong, Bianca Manalo, Maxine Medina at Chanda Romero. — VBL, GMA Integrated News