Marami ang natuwa at tila naka-relate sa "Uhaw" parody ni Michael V na "Oh Wow!" Pero paglilinaw ng Kapuso comedy genius, hindi patama kung hindi mas paalala ang mensahe ng kanta.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing maging ang OPM group na Dilaw na umawit ng "Uhaw," ay natuwa sa parody version ng kanilang kanta na ginawa ni Bitoy.
"Hi Daddy M. Thank you so much. Love you," sabi ni Leonard "Dilaw" Obero.
Ayon kay Bitoy, hanga siya sa kuwento at tagumpay ng bandang Dilaw na nagmula sa Baguio.
"Makikita mong passionate talaga sa ginagawa nila. Sana ganoon. Sana lahat ganoon. Sana uhaw lahat sa excellence," anang Bubble Gang star.
Habang tungkol sa pananabik sa minamahal ang "Uhaw," ang "Oh Wow," tila tumatalakay sa mga ipino-post sa social media o "content."
Kabilang sa linya ng awitin ang: "Mag-react sa viral video ko walang effort content na 'tong pang-po-po-post," at "kahit 'di kaya pinilit kahit na pangit pwede na 'tong ipo-po-post."
"Ang dami yatang naka-relate. Nagiging toxic na rin kasi ang mga content creators ngayon," ayon kay Bitoy.
"'Yung mga content creators dapat alam n'yo ang salitang content. I'd like to say it's a reminder. Hindi lang sa kanila kundi sa sarili ko," dagdag niya.
Umaasa si Michael na, "Sana maka inspire tayo ng generation na, 'Ah, hindi pa puwede, puwede pang pagandahin.'"
Bukod sa mensahe ng kanta, nakadagdag sa aliw ng music video ng parody song na si Bitoy lahat ang sabay-sabay na makikitang kumakanta, nasa keyboard, bass, at guitarist.
Umabot na sa mahigit 12 milyon ang views ng video.—FRJ, GMA Integrated News