Maluha-luha na inanunsyo ni Herlene Nicole Budol na ang Miss Grand Philippines na ang huli niyang sasalihan na pageant.

Sa latest vlog ni Herlene, inilahad niya ang kasiyahan na makoronahan bilang Miss Philippines Tourism 2023 dahil natupad na ang pangarap niyang magkaroon "crown.”

“Kaso nga lang, si Budol, nabudol,” pagpapatuloy niya.

Ngunit matapos daw ang tatlong pageant na sinalihan niya, mayroon umano siyang napagtanto.

“Ibig sabihin, wag na nating ipilit. Ibig sabihin po nun, ako po si Herlene Nicole Budol, na nagsasabi: sorry Pilipinas. This is my last pageant, ba-bye. Herlene Nicole Budol, I’m signing off.”

“Hindi po ako umaarte ah,” paglilinaw niya. “Nasasaktan lang po ako kasi parang totoo po 'yung sinasabi niyo na parang pinipilit ko lang po talaga na sumali, na hindi ko po deserve, nagsusubok lang po ako."

“Nagsusubok lang po ako na abutin 'yung mga pangarap ko, na magkaroon po ako ng crown, na ma-represent ko po 'yung Pilipinas pero hindi ko po pala kaya,” pag-amin niya.

Binanggit ni Herlene ang mga puna ng netizens na hindi pa niya panahon para maging kinatawan ng Pilipinas at dapat niyang harapin ang katotohanan.

“Humihingi po ako ng sorry sa inyong lahat… Sa mga may ayaw po sa ‘kin, titigil na po ako. Hindi ko na po ipipilit 'yung sarili ko,” saad niya.

Gayunman, pinasalamatan ni Herlene ang mga patuloy na sumusuporta sa kaniya.


Buong loob niya na ring tinanggap ang kaniyang desisyon at umaasa siyang isang Pinay na beauty queen ang makapagsalita ng Tagalog sa isang international pageant.

Kahit na hindi na makikipagkumpitensiya sa mga pageant, ipagpapatuloy niya ang kaniyang misyon na pasayahin ang mga tao at magsilbing inspirasyon.

“Hindi po porket hihinto po ako sa kung ano po 'yung nasimulan ko ay ibig sabihin po sumuko ako. Patuloy pa rin po ang laban, baka malay niyo sa ibang journey naman po ako dalin ng Panginoon,” sabi ni Herlene.

Una rito, naglabas ng pahayag ang ALV Pageant Circle at Miss Grand Philippines para ipaalam na, “we have not yet issued any official confirmation regarding Miss Grand Philippines Tourism 2023 Herlene Budol's participation in the Miss Tourism World pageant.”

Dagdag pa ng mga organizer, itinigil na nila ang paggamit ng titulo ng Miss Tourism World Philippines.

"Our Miss Philippines Tourism title is a generic title with no contractual obligation to any international pageant,” sabi ng organizers.

Bago ang Miss Grand Philippines, kinoronahan si Herlene bilang Binibining Pilipinas 2022 first runner-up, at nakakuha pa ng pitong special awards.

Nakatakda rin sanang lumabas si Herlene sa Miss Planet International in 2022, ngunit umatras dahil sa “uncertainties by the organizers” at dahil sa hindi magandang pagtrato umano sa mga kandidata. -- FRJ, GMA Integrated News