Sinagot na ni Jak Roberto ang mga tanong kung bakit magkahiwalay at hindi sila sabay ng kaniyang nobyang si Barbie Forteza nang maglakad sa red carpet ng GMA Gala 2023.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Jak na nagpasya sila ni Barbie na mag-solo sa red carpet para mabigyan ng pansin ang kani-kanilang kasuotan.

“Para ano mas ma-emphasize yung design nung damit, mas makalakad nang solo,” anang aktor. “Magandang bagay din 'yun para talagang ma-i-flaunt mo yung suot mo and ma-establish mo yung sarili mo sa camera.”

Sinabi ni Jak na hindi rin naman sila sabay ni Barbie na naglakad sa katulad na event noong nakaraang taon.

“Oo, last year din. Solo kami, solo-solo tapos inantay ko lang siya dun sa dulo para mag-hi-hello lang sa mga team JakBie,” paliwanag niya.

Kahit magkahiwalay sila sa red carpet sinabi ni Jak na mag-seatmate sila ni Barbie sa AOS group.

Kabilang si Barbie sa nakatanggap ng award sa GMA Gala, at itinanghal na Avignon Radiant Beauty of The Night.--FRJ, GMA Integrated News