Inihayag ni Katrina Halili na may mild autism spectrum disorder ang siyam na taong gulang niyang anak na si Katie, kaya nakatutok siya sa pag-aalaga sa bata.

“Actually after pandemic po, na-realize ko na wala akong time sa anak ko simula noong ipinanganak ko siya dahil after ng show, dire-diretso,” sabi ni Katrina sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes.

“Meron po siyang ASD, autism spectrum disorder. Pina-search siya sa doctor, ang sabi kailangan ko na siyang tutukan hanggang mag-12 kasi baka lumala, pero nasa mild lang naman po siya,” pagpapatuloy ni Katrina.

Dahil dito, hiniling niya sa Kapuso Network na magbawas muna ng trabaho at isang soap na lamang kada taon ang kaniyang gawin para matutukan si Katie.

Sa ngayon, ipinapasok ni Katrina si Katie sa Earth School sa El Nido, Palawan, na hindi isang tradisyunal na paaralan kundi tinuturuan nito ang mga estudyante na maging independent, magtanim at maglakad sa kagubatan.

Sa Fast Talk segment, inilarawan ni Katrina ang sarili bilang isang “protective” na ina. Samantala, namana raw sa kaniya ni Katie ang kaniyang pagiging “stubborn.”

Dasal ni Katrina para sa anak na maging isang mabuting tao at may takot sa Diyos.

Inilahad ni Katrina kung paano siya bilang ina kay Katie.

“Actually kagaya ako ng nanay ko, sobrang strict, sobrang protective… At ganoon ako sa anak ko ngayon.”

Dahil sa kondisyon ng kaniyang anak, nasubok daw ang pasensiya ni Katrina.

“Kami ng mama ko, sinasabi ko naman before na hindi kami masyadong close ng mama ko, hindi kami nag-uusap. Kaya ngayon ina-apply ko sa anak ko na kailangang mag-usap kami. Kung mapagalitan ko man siya kausapin ko siya nang malumanay, hindi puwedeng sigaw, sigaw, sigaw kasi mas pipiliin ng anak ko na kausapin ‘yung iba kaysa ako. Gusto ko ako,” paliwanag ng aktres.

Sinabi ni Katrina na tumutulong sa kaniya sa pagpapalaki kay Katie ang kaniyang kasalukuyang nobyo, na hindi na muna niya pinangalanan.

“Siya ‘yung mas nagtuturo sa akin, kasi stubborn ako, ‘di ba? Stubborn din ‘yung anak ko. So medyo mahirap kaming dalawa, minsan nawawalan ako ng pasensiya, siya ‘yung mas kalmado. Tinutulungan niya ako talaga. Siya ‘yung mag-uusap, siya ‘yung kakausapin ako, kakausapin niya ‘yung anak ko,” anang Kapuso actress. --FRJ, GMA Integrated News