Inihayag ni Pinky Amador na maging siya ay hindi makapaniwala sa kasamaan ng kaniyang karakter na si Moira Tanyag sa hit Kapuso afternoon series na "Abot-Kamay na Pangarap."

“Nakakapagod! Mi! Buti na lang marami akong energy,” sabi ni Pinky tungkol sa kaniyang karakter sa “Kapuso Insider.”

Inilahad ni Pinky ang mga aasahan pang pang-aapi ni Moira kay "Dra. Analyn Santos," na ginagampanan ni Jillian Ward.

“It’s hard to tell because with Moira anything goes, right? She’s capable of anything, and she’s maya’t maya naghahasik ng lagim. Hindi na yata siya tao, halimaw na yata siya eh,” anang aktres.

Gayunman, wala namang problema kay Pinky ang nakasusuklam na karakter na ginagampanan niya sa hit afternoon series na halos isang taon nang ume-ere sa GMA 7.

“As long as I can contribute to push the story forward, I’m in. It’s a great story to tell, with great people to work with, they have my 200% support,” pahayag ng batikang aktres.

Dahil sa kalupitan ng kaniyang karakter, nakatatanggap din si Pinky ng hate messages mula sa mga manonood.

“I think to begin with, magugulat ka na ‘Why do they hate me? Hindi naman ako ‘yon?’ Separation of role and person. Pero if you think big picture, siyempre matutuwa ka, kasi hindi naman lahat ng artista nabibigyan ng ganitong opportunity,” saad niya.

Ayon kay Pinky, sanay na siya sa kaniyang kontrabida role dahil sa kaniyang mga dating karanasan sa teatro, lalo noong maging bahagi siya ng Miss Saigon ng dalawang taon.

“More, more galit, more pahiya, more revenge, more karma,” sabi ni Pinky tungkol sa mga gagawin pa ni "Moira." --FRJ, GMA Integrated News