Inihayag ni Sef Cadayona na pumasok na sa isip niya nitong mga nagdaang mga buwan na mag-quit na siya sa showbiz. Isa raw ito sa mga dahilan kung bakit hindi na siya sumama sa bagong timeslot ng “Bubble Gang.”
“Actually hindi naman ako nawala, nandito pa rin ako. Kung kailangan niyo po ako nandito pa rin ako. But for me, I think it was my time to graduate and to look into a different side ng buhay ko,” paliwanag ni Sef sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Patungkol ito ni Sef kung bakit hindi na siya nakasama sa bagong timeslot ng "Bubble Gang" na Linggo ng 6 p.m. mula sa dating oras na Biyernes ng gabi.
“Going back months before, actually ayoko nang mag-showbiz. I don't know. Kung sa damdamin lang, parang hindi ko nakikita na nagsa-shine ulit 'yung talent ko,” pagpapatuloy ni Sef.
Nilinaw ni Tito Boy kung dahil ba sa hindi na nabibigyan ng karapat-dapat na mga role si Sef kaya nito naiisipang tumigil na sa showbiz.
“No. Hindi po chances,” paglilinaw ng Kapuso actor-commedian.
“Ayaw mo because you're not happy anymore? That you could be more effective somewhere?,” muling tanong ng King of Talk.
“In a sense, yes, na hindi showbiz,” tugon naman ni Sef.
Ayon sa aktor, dumating ang pagkakataon na nagdududa siya sa sarili pagdating sa showbiz.
“Hindi rin po sa hindi stable sa showbiz, more on sa akin po iniisip ko, 'Okay pa ba ako? Okay pa ba ako dito? Nagagampanan ko pa ba 'yung role ko?,'” pahayag niya.
Sa kabila ng kaniyang pinagdaanan, nagpasalamat si Sef sa kaniyang GMA bosses, na gumabay sa kaniya para sa kaniyang desisyon na manatili sa industriya.
“Nakita ko po 'yung pagmamahal nila,” sabi ni Sef.
Matatandaang si Sef ang gumanap bilang ang mas batang si Pepito Manaloto, na karakter ng comedy genius na si Michael V. sa “Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.”
Gaganap naman ngayon si Sef sa bagong Kapuso series na "Love Before Sunrise" na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Bea Alonzo. --FRJ, GMA Integrated News