Binalikan ni Vaness Del Moral ang hindi niya malilimutang sa pagsalita sa "Starstruck 3" noong 2006  at pinakaunang inalis sa kanilang batch sa araw pa man din ng Pasko.

“Ako yung unang-unang natanggal sa batch namin. Tapos Christmas Day po nila ako tinanggal,” kuwento ni Vaness sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

Sa kabila nito, napatunayan ni Vaness na hindi batayan ang pagkaka-eliminate sa isang talent competition para magtagumpay ang isang tao sa showbiz.

“Yes, Pasko ako na-eliminate. Gusto mo 'yon? Pero du’n ko din naman nakita na hindi porket ako ‘yung unang natanggal eh hindi ako nag-flourish sa industry na ito,” anang Kapuso actress.

Inalala pa ni Vaness na hindi man lang siya umabot noon sa acting challenges ng paligsahan.

"Unforgettable moment? Siguro sa 'kin po Tito Boy, 'yung hindi man lang ako umabot sa mga acting challenges tapos na-eliminate ako kaagad," natatawa niyang kuwento.

“Medyo ganu’n kalaki yung hang-up ko sa 'Starstruck' pero masaya ako. 'Yun 'yung isa sa mga memorable [moments for me], na hanggang makeup challenge lang ako umabot,” pagpapatuloy ni Vaness.

Sumali si Vaness ng ikatlong season ng Starstruck noong 2005, at naging ka-batch niya sina Jackie Rice, Arci Muñoz, Iwa Moto, at iba pa.

Bumida si Vaness sa Kapuso shows na "Widows' Web,” "Because Of You," "Impostora," at ang 2016 remake ng “Encantadia.”

Kasama ni Vaness sa “Love Before Sunrise” sina Bea Alonzo, Dennis Trillo, Andrea Torres, Sid Lucero, Nadia Montenegro, Cheska Fausto, at Vince Maristela.

Ang "Love Before Sunrise" ay collaboration ng GMA Network at Viu Philippines.--FRJ, GMA Integrated News