Hindi itinago ni Chito Miranda ang paghanga niya sa kaniyang kapuwa coach sa "The Voice Generations" na si Stell at maging sa grupo nitong SB19.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong si Chito kung kanino siya pinaka-threatened sa mga kapuwa niya kasama bilang coach sa "The Voice Generations."
“Not naman threatened pero sobrang nakita ko how good this guy is when it comes to playing the game,” paliwanag ni Chito na ang tinutukoy ay si Stell.
"He's such a revelation for me kasi ang pagkakakilala ko lang kay Stell is one of the members of SB19. I am familiar with SB19, I'm sobrang fan ng work nila, pero as individuals, I didn't know them," pagbabahagi pa ng Parokya ni Edgar frontman.
Pero nakilala raw niya nang lubos si Stell nang gawin na nila ang "The Voice Generations."
"As we get to hang out, mga pictorials and everything, everything that he does is so entertaining, and everything that he says is so humble and may wisdom. Alam mo ‘yung hindi nagmamarunong?” anang singer.
Hinangaan din ni Chito ang sinabi umano ni Stell tungkol sa dapat na suportahan ng bawat miyembro sa isang grupo.
"May sinabi siyang very important sa 'kin na, 'Kung sino 'yung weak, the other guys need to be strong.' Sobrang ganda nu'n di ba?," ani Chito.
Patuloy pa ng mang-aawit, "It took Parokya years to do that, and they've been together for five years only, tapos gano’n na siya magsalita. Wala lang, bilib lang ako sa kaniya. Galing eh.”
Nauna nang inihayag ni Chito ang paghanga siya sa grupo dahil sinusulat nila ang kanilang mga sariling kanta.
"'Pag pinapanood ko 'yung mga music videos nila and 'yung songs, I could never come up with something as brilliant as ginagawa nilang songs," sabi niya.
Inakala pa raw ni Chito noon ay may foreigner na tumutulong sa SB19.
"Nalaman ko sila lang, mas nakakainis naman 'to, sobrang galing," birong pagpuri pa ni Chito. --FRJ, GMA Integrated News