Pinabulaanan ng komedyante at content creator na si "Master" Long Mejia na malaswa ang ginawang pagsasayaw ng babaeng kasama niyang nagtanghal sa command conference ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang linggo.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kasama si Long sa mga naimbitahan na magtanghal sa naturang pagtitipon.

"Sexy na masagwa? Hindi, wala akong nakitang ganu'n. Kasi sinasayaw nila sa national TV 'yan e. Napapanood 'yan e," depensa ni Long.

"Wala akong nakitang masagwa sa sayaw nila," patuloy niya.

Ang naturang pagsasayaw ng babae ay kasama sa video na ipinost ni Long sa kaniyang vlog at napanood ng publiko.

Ayon kay Long, ginawa lang ng dancer ang trabaho nito bilang entertainer.

Sinabi rin ng komedyante na hindi sila binayaran sa naturang okasyon. Isang kaibigan daw niya na mayroon siyang utang na loob ang nag-imbita sa kaniya.

“Ako po ay nakahandang tumitig sa harap ng camera, wala pong anumang singko na natanggap doon dahil meron lang po akong tinatanaw na malaking utang na loob sa isang kaibigan,” paliwanag ni Long na tumangging pangalanan ang naturang kaibigan dahil sa privacy nito. —FRJ, GMA Integrated News