Inihayag ni Analyn Barro na hindi lang isa, kundi dalawang kapwa niya "Bubble Gang" co-stars ang dumiskarte sa kaniya. Sino kaya sila?

“Sino ang pumorma sa ‘yo sa Bubble Gang?” diretsahang tanong ni Tito Boy sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Hindi agad nakasagot si Analyn, kaya napasigaw ang mga co-stars niyang Chariz Solomon, Betong Sumaya at Kokoy De Santos.

Paiwas na sumagot si Analyn na, “No comment!”

Lalo namang naintriga sina Tito Boy at ang kaniyang mga ka-"Bubble Gang" na humirit na sagutin ni Analyn ang tanong.

“Tito Boy, sasagutin ko ba kung naging dalawa sila?” natatawang katwiran ni Analyn.

“Ayoko! Ayoko!” patuloy ni Analyn na tumangging pangalanan ang mga ka-"Bubble" na tinutukoy niya.

Sinabi naman ni Tito Boy na irespeto na lang nila ang pasya ni Analyn at huwag na nila itong pilitin.

Sa kaparehong segment din , sinagot ni Analyn kung sino ang pinakaguwapo sa mga boys ng Bubble Gang.

“Si Kuya Betong!”

Dalawang beses mapapanood ang Bubble Gang ngayong weekend.

Mapapanood pa rin ang Bubble Gang sa orihinal na timeslot ngayong Biyernes ng gabi, at mapapanood din sa bagong timeslot nito sa Linggo, Hulyo 9 sa ganap na 6 p.m. --FRJ, GMA Integrated News