Pinabulaanan ng TAPE Inc. ang ulat na hanggang katapusan na lang ng Hulyo ang "Eat Bulaga" sa GMA-7.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Maggie Abraham Garduque na walang dahilan para mawala ang naturang noontime show.
Lumabas ang mga haka-haka matapos makapagtala ng mas mababang rating ang "Eat Bulaga" kumpara sa dalawang katapat nitong noontime show noong July 1, Sabado.
“We do not contest that on July 1, mababa ang rating of ‘Eat Bulaga’ because of the anticipation of people on the launch of new shows, but thereafter, makikita na tumataas na ulit ang ratings nito,” paliwanag ni Garduque.
Batay sa tala patungkol ratings, umangat ng 0.7% ang viewership ng “Eat Bulaga” noong July 3, at nadagdagan pa noong July 5.
Ayon pa kay Garduque, maganda ang resulta ng mga segment ng programa.
“‘Eat Bulaga’ segments are doing great, lalo na yung segment ni Yorme [Isko Moreno] and Buboy [Villar],” patungkol niya sa "G sa Gedli".
Patok din umano sa mga rider ng motorsiklo ang bagong segment na “Hey! Mr. Rider.” Asahan din umano ang mga celebrity rider.
Sinabi pa ni Garduque na pinag-aaralan ng kanilang legal team kung sasampahan nila ng reklamo ang nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kanilang programa.
Giit ni Garduque, layunin lang ng “Eat Bulaga” na maghatid ng tulong at saya sa mga tao.
“Ang ‘Eat Bulaga’ ay para sa tao at hanggang maraming manonood, ang tumatangkilik, patuloy ang ‘Eat Bulaga’ sa pagbibigay ng saya at tulong sa mga kababayan natin,” saad nito.
Matapos umalis ang mga orihinal na host ng Eat Bulaga na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon, at iba pa, pumalit bilang mga bagong host sina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, Isko Moreno, at iba pa.—FRJ, GMA Integrated News