Pumanaw na ang Hong Kong-born American singer-songwriter na si Coco Lee sa edad 48. Ayon sa kaniyang mga kapatid, nakaranas ng matinding depresyon si Coco at pumanaw sa ospital.
Sa ulat ng Reuters, inihayag sa social media post nina Carol at Nancy Lee, na pumanaw ang kanilang kapatid na si Coco sa Queen Mary Hospital sa Hong Kong, kung saan siya naninirahan.
Tinangka umano ni Coco na kitilin ang sariling buhay na dahilan para dalhin siya sa ospital at pumanaw pagkaraan ng ilang araw na pagkakaratay.
"Although, Coco sought professional help and did her best to fight depression, sadly that demon inside of her took the better of her," ayon sa pahayag.
"On 2 July, she committed suicide at home and was sent to the hospital. Despite the best efforts of the hospital team to rescue and treat her from her coma, she finally passed away on 5 July, 2023," dagdag nito.
Umabot ng tatlong dekada ang career ni Coco sa entertainment industry. Kabilang sa mga nagawa niya ay ang maging tinig sa likod ng female warrior na si Mulan sa Mandarin-language version ng “Mulan" film ng Disney. Inawit din niya ang Oscar-nominated song na "A Love Before Time" mula sa pelikulang "Crouching Tiger, Hidden Dragon."
Isinilang si Coco sa Hong Kong noong 1975, at bunso sa tatlong magkakapatid.
Bago pa siya isilang, pumanaw na ang kanilang ama.
Siyam na taong gulang si Coco nang lumipat sila ng kaniyang ina at mga kapatid sa San Francisco, USA.
Nang magtapos pa lang ng high school noong 1992, nagsimula na ang singing career ni Coco nang alukin siyang ng recording contract sa Hong Kong ng Capital Artists. Apat na taon makalipas nito, pumirma na siya ng kontrata sa Sony Music Entertainment.
Bukod sa pagkanta, nakagawa rin si Coco ng tatlong pelikula, kabilang ang “Master of Everything” ni Lee Xin at “No Tobacco” ni Stanley Kwan.
Naulila ni Coco ang kaniyang mga kapatid, asawa na si Bruce Rockowitz, at dalawang stepdaughters.
Kung nakararanas ng depresyon at kailangan ng kausap o may kakilala na kailangan ng makakausap, makipag-ugnayan sa National Center for Mental Health sa kanilang hotlines: +63917 899-USAP (8727) / +632 79898727; Philippine Suicide Hotline is 896-9191 or 0917-854- 9191; Hopeline: (02) 804-4673; 0917-5584673.
— Reuters/FRJ, GMA Integrated News