Emosyonal na nakiusap si K Brosas sa kaniyang tiyahin, na tumayo niya ring ina-inahan, na itigil na nila ang kanilang hidwaan.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si K kung napatawad na niya ang kaniyang tiyahin.

“Yes. Matagal na. Ang tagal naming hindi nag-usap eh,” sagot ni K.

Gayunman, nanawagan si K sa tiyahin na tapusin na nila ang kanilang hidwaan.

“Sana tama na, ‘Ma tama na, itigil na natin ito. Tama na please. Kasi ilang beses na tayong nag-ayos. Tama na po,” sabi ni K, na hindi napigilan ang kaniyang pag-iyak.

“Kasi eighty years old na po ‘yung mama kong nagpalaki sa akin. Lagi kong sinasabi na malaki ang utang na loob ko, alam niyo (Tito Boy) po ‘yung kuwento, hindi ko ipinagkakait ‘yon. Malaki ang utang na loob ko, I will be eternally grateful," saad ni K.

"Pero sana tama na, tama na ‘yung sumbat. Gusto ko lang naman marinig ko na, ‘I’m proud of you. Proud ako sa pagpapalaki sa anak mo, sa buong pamilya mo.’ Sana don’t take this the wrong way, pero tama na,” patuloy niya.

Ayon kay K, hinahanap-hanap niya rin ang pagiging proud sa kaniya ng kaniyang ina-inahan.

“Gusto kong ma-recognize nila na ‘Nakaka-proud pala ‘yung narating ng anak ng kapatid ko, ng pamangkin ko.’ Hindi ko kasi narinig ‘yun eh ng very light,” paglalahad ng singer-TV host. --FRJ, GMA Integrated News