Inihayag ni Michael V. na kung may gusto man siyang mag-guest sa “Bubble Gang,” ito ay walang iba kundi si Vice Ganda. Magkaroon kaya ng tapatan sa pagitan nina Vice at Mr. Assimo?

Sa isang media conference, tinanong si Michael na kung papipiliin sino ang gusto niyang i-guest sa longest-running Kapuso gag show.

“Si Vice Ganda. Si Vice Ganda has always been open to collaboration," tugon ni Michael, na ikinatuwa ng mga tao.

Inalala rin ni Michael V. na nagpahayag na dati ang ''It’s Showtime'' host ng interest na mag-guest sa Bubble Gang.

“The last time we met, the last time na nagkausap kami, lagi n’yang sinasabi: [sana] makapag-guest ako sa ‘Bubble Gang’,” ani Bitoy.

Ayon pa sa comedy genius, gusto niyang gumawa ng skit na magkasama sina Vice at Mr. Assimo.

“I think, yung top of mind, si Mr. Assimo and Vice Ganda.”

Malilipat na ang Bubble Gang tuwing Linggo, kada 6 p.m. simula Hulyo 9.

May mga bago ring kakulitan na sina Cheska Fausto, EA Guzman, at Buboy Villar, na mga host din ng “Eat Bulaga.”  —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News