Higit sa kompetisyon, naniniwala ang mga host ng "Eat Bulaga" na makabubuti para sa mga manonood at mga manggagawa sa harap at likod ng camera ang paglipat ng "It's Showtime" sa GTV.
"Exciting 'yon," sabi ni Paolo Contis tungkol sa "It's Showtime" na mapapanood tuwing tanghali sa GTV simula sa July 1, kasabay ng kanilang nootime show na "Eat Bulaga" sa sister TV channel nito na GMA-7.
"This is a very big collaboration [ng Kapuso at ABS-CBN] kasi noontime show na 'to. It opens up a lot of opportunities for other actors para makapag-guest doon [sa It's Showtime] at the same time para makapag guest dito [sa Eat Bulaga]," dagdag ni Paolo.
Bagaman magkakaroon pa rin ng kompetisyon sa dalawang programa dahil parehong noontime shows, sinabi ni Paolo na, "It will be a very healthy competition because your basically under one roof."
Higit na mahalaga naman kay Buboy Villar ang pagkakaroon ng trabaho ng mga manggagawa sa likod ng camera sa pagkakaroon ng noontime show sa GTV.
"May mga trabaho sila lalo na ang mga nasa likod ng camera. 'Yon yung pinaka-importante sa akin. Hindi naman yung mga artista dahil sila kaya na po nilang kumita, kaya pa nilang dumiskarte sa buhay. Pero ang pinaka-importante diyan yung mga nasa likod, yung mga sumusuporta sa artista, sila po yung dapat tingnan hindi po kami," paliwanag niya.
Masaya rin si Betong Sumaya dahil mas marami umano ang mapapasaya at matutulungan ng Eat Bulaga at It's Showtime.
"Sana eh mag-krus ang landas natin sa mga susunod," ani Betong.
Excited din ang magkapatid na sina Cassy at Mavy Legaspi sa paglipat ng It's Showbiz sa Kapuso station na GTV.
Ani Cassy, may mga kaibigan siya sa kabilang programa at magiging "one big happy family" na ang dalawang show.
Inihayag naman ni Mavy na dati siyang bumisita sa It's Showtime nang sandaling maging guest co-host noon sa show ang kaniyang ina na si Carmina Villaroel.-- FRJ, GMA Integrated News