Nagbabalik sa Pilipinas ang award-winning South Korean actress na si Park Eun Bin para sa kaniyang fan meeting nitong Sabado.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa ''24 Oras Weekend'' nitong Sabado, sinabing naramdaman ni Eun Bin ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga Pinoy.

“Dumating ako rito, nakita ko ‘yung mga fans nag-aabang sa akin sa airport and nakahawak sila ng malaking banner. Kaya sobrang masaya ako,” sabi ni Eun Bin.

Ayon pa kay Eun Bin, excited na siyang makita ang mga Pinoy na “Bingo,” na tawag sa kaniyang fandom.

“‘Yung Philippine spirit ay sobrang lakas, na-receive ko ang maraming energy dahil doon, kaya ngayon din expect ko talaga na malaking energy ang i-absorb ko lahat,” sabi ni Eun Bin.

Matatandaang Oktubre noong nakaraang taon nang huling bumisita si Eun Bin para sa kaniyang Asian fan meeting tour, kung saan marami siyang natutunang mga salita at pangungusap na Pinoy.

Nakapunta na si Eun Bin sa Cebu at gusto niyang marating ang Boracay.

“Kasi narinig ko masarap talaga ‘yung mga pork dito sa Philippines, ngayon gusto kong ma-try ‘yung fried na pansit,” sabi ni Eun Bin.

Nagpasalamat ang South Korean actress sa natatanggap niyang suporta at pagmamahal ng fans sa buong mundo, lalo na sa karakter niyang si Atty. Woo Young Woo, isang abogadong may autism sa Korean drama series na "Extraordinary Attorney Woo."

Natanggap ni Eun Bin ang Grand Prize for Television, na pinakamataas na parangal sa 2023 Baeksang Arts Awards sa South Korea.  —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News