Kasabay ng pagka-hook ng mga A'TIN sa latest song ng SB19 na GENTO, kinagiliwan din nila ang larawan ng isang promodiser sa supermarket na kahawig ni Stell. Makatagpo kaya ng viral na lalaki ang kaniyang idolo?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang promodiser sa Makati City na si Mark Anthony Lacerna.

Sa larawan na kinunan noong Independence Day, makikita si Mark na naka-pose sa tabi ng groceries na dinisenyuhan para maging kakulay ng watawat ng Pilipinas.

“Unang comment doon may nagsabi ‘Uy si Stell ‘to ah!’” kuwento ni Mark.

Napansin ng netizens ang pagkakahawig ni Mark sa kilay, ilong at bibig ni Stell, na siyang vocalist, lead dancer at main choreographer ng SB19.

Samantala, ikinuwento ni Stell na noong nagsisimula pa lamang ang SB19, nakatanggap siya ng mga masasakit na salita tungkol sa kaniyang pisikal na kaanyuan.

“Pinakanati-trigger lang po talaga siguro ako kapag lagi nila akong inaatake when it comes to visual po. Lagi nilang sinasabi ‘Paano ka napunta sa grupo na ‘yan kasi ang pangit mo naman,’” sabi ni Stell.

Gaya ni Stell, ito rin ang pinagdaanan ni Mark.

“Immune na ako riyan eh. ‘Lampa,’ ‘Payatot.’ Sinabihan ako na ‘ang pangit pangit mo,’” sabi ni Mark.

Katunayan, minalas na rin si Mark sa pag-ibig.

“Nagka-girlfriend ako. Umuwi ako ng probinsiya, nagpaalam ako sa kaniya. Pagbalik ko ng Manila, may ka-live in na siya. Sabi ko sa sarili ko, ganoon ba talaga ako kapangit para ipagpalit?” anang binata.

Gayunman, pinili ni Mark na pagtuunan ang trabaho, at ipinagpasalamat niyang dahil sa pagkukumpara sa kaniya kay Stell, tumaas ang kumpiyansa niya sa kaniyang sarili.

“Idolo ko na talaga si Stell,” sabi ni Mark.

Hanggang sa nagkaroon na rin ng pagkakataon si Mark na makita nang personal si Stell, nang isama ng team KMJS si Mark sa isa sa mga gig ng SB19.

Magkita na kaya sina Mark at si Stell? Ano kaya ang magiging reaksyon ng viral promodiser kapag nakasalamuha na niya ang kaniyang idolo na nagpataas ng kaniyang kumpiyansa?

Tunghayan sa video sa itaas. —VBL, GMA Integrated News