Humingi ng paumanhin si Herlene Budol sa naging paraan ng pagsasagot niya sa isang interview question sa Miss Grand Philippines. Gayunman, nilinaw niyang hindi niya nilaro ang naturang Q&A.
“Sa sobrang kaba ko po [hindi ko po] naexplain yung kung anong gusto [ko pong] sabihin sorry I admit di po ako magaling sa lahat ng bagay and sorry kung nawalan po kayo sakin ng kumpyansa sa isang pagkakamali. I’ll try my best to make you proud,” saad ni Herlene sa kaniyang Facebook post.
Paglilinaw niya, hindi niya naunawaan ang tanong, bagay na kaniya namang tinanggap.
“Hindi ko po nilaro [‘di ko] lang po talaga na gets yung tanong and I accept it,” sabi ni Herlene.
Gayunman, nagpasalamat pa rin siya sa mga tao na patuloy na sumusuporta sa kaniya.
“Hindi po ako perpekto. [Thank you] for those people na naniniwala [pa rin] po [sa akin].”
Nag-viral si Herlene kamakailan dahil sa sagot nito sa Miss Grand Philippines media conference sa tanong na “Apart from your big social media following, what else have you got in order to win the crown?”
Tila kinabahan si Herlene sa pagsisimula ng pagsagot niya sa tanong.
“Thank you for that long question for me, chariz. I have a big followers because I have a big heart. O English yon, ha? Nakapag-compose po ako kaagad. Ano nga ulit yung tanong?”
Dahil dito, isinalin na lang ng nagtatanong ang kaniyang tanong sa Tagalog.
“I think this is the right time. Last year, siguro hindi ko po oras. Ang sabi nga ng adbokasiya ng Miss Grand is—ano ba ‘yun? World peace and then… what else again? Stop the war and peace,” tugon ni Herlene.
“Since I was young—ah ang sarap mag-English. Naranasan ko pong ma-bully sa eskuwelahan, mabugbog sa tahanan… dumayo ako sa ibang bansa, natutukan ng tatlong baril na talagang armalite, at naging isang dayuhan. Para sa akin, ang solid ng experience na yon. In my own experience, ayokong maranasan ng iba yon,” pagpapatuloy niya.
“Bilang isang Miss Grand, sisimulan ko sa aking experience na ipalaganap sa ibang tao na huwag matakot. Kahit anong pinagdaanan ng mga taong laging nakangiti, may katuturan yon at ikaw ‘yung magiging lakas ng ibang tao para maging lakas,” dagdag ni Herlene, na hindi mailarawan ang kaniyang naranasan.
“Hindi ko ma-explain.”
Habang sumasagot, may teleponong nag-ring. Tumigil saglit si Herlen at sinabing “pakisagot po nu’n, tumatawag.”
“Sana po nasagot ko po ah, ang hirap lang po i-explain,” paliwanag ni Herlene.
Bago nito, naging first runner-up na si Herlene sa Binibining Pilipinas 2022, kung saan nanalo siya ng pitong special awards.
Gaganapin ang Miss Grand Philippines coronation event sa Hulyo 13. —VBL, GMA Integrated News