Ikinuwento ni Zeinab Harake na naiyak siya sa tuwa nang makasalamuha niya sa isang event sa unang pagkakataon ang kaniyang idolo na si Marian Rivera. Ang vlogger, papasukin na rin ang showbiz.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Zeinab na isa siyang "DongYan" fan na pinapanood ang mga proyekto ng mag-asawa mula pa noong "Marimar."
Kuwento niya, siyam na taong gulang siya noon nang mapanood ang Marimar, at mula noon ay naging avid fan na siya nina Marian at Dingdong, hanggang sa bumuo na ng pamilya ang Kapuso Royal Couple.
Ayon kay Zeinab, natutuwa niya na nagiging kaibigan na niya ang kaniyang idolo.
At nang makita niya si Marian sa unang pagkakataon nang personal sa isang event, sinabi ni Zeinab na hindi niya napigilan na maiyak.
"Kasi parang nananaginip ako na isang batang naglalaro lang ng 'Marimar' dati sa tricykelan ngayon makakaharap yung idol niya," anang vlogger.
Nang tanungin ni Tito Boy si Zeinab kung ano ang una niyang nasabi kay Marian, tugon niya: "Sobrang ganda. 'Yon yung una mong sasabihin sa kaniya. Kahit sino namang kausap niya pagtingin mo, 'Ay! ang ganda ni mama [may] spotlight ang mukha.' Ang ganda talaga ni Ate 'Yan."
Dugtong pa niya, "At hindi lang sa mukha [maganda], puso niya gustong-gusto ko."
Samantala, sinabi rin ni Zeinab na sumasailalim na siya sa acting workshop bilang paghahanda sa pagpasok niya sa showbiz.
Aminado siya na madaldal lang siya pero mahina ang loob niya lalo na sa mga pinagdaanan noon. Kaya naman malaking tulong umano ang mga taong tumutulong sa kaniya para malaman ang mga kaya pa niyang gawin.
"Sila po yung tao na nagpapakita na may talent ka. Hindi mo lang nakikita o namumulat pa. And sila yung tumutulong sa akin to do better sa tatahakin ko po sa showbiz," sabi ni Zeinab.
Nang tanungin kung ano na ang natutunan niya sa ginagawa niyang workshop, sinabi ni Zeinab na nalaman niya na hindi puwedeng i-fake ang emosyon.
"Kailangan mong puntahan yung sitwasyon ng character mo. Kung saan man 'yon, mahirap mang part 'yon or what. Hindi mo pala dapat kalimutan lahat ng masamang nangyari sa'yo. Magagamit mo siya, mapaghuhugutan mo siya and makikita mo yung ginagawa mo sa character is hindi na ikaw iyon," paliwanag niya. --FRJ, GMA Integrated News