Inihayag ng beteranong aktor na si Tirso Cruz III ang kaniyang paghanga kay Dingdong Dantes, na nakitaan niya ng pagiging propesyunal at pagmamahal sa trabaho.
“Sa akin kasi ‘yung pangalan niya noon si Carlos Miguel, for a long, long time, for so many years, ang tawag ko sa kaniya lagi tuwing magkikita kami, si Carlos Miguel. Ngayon mapapalitan na,” sabi ni Tirso sa Kapuso Showbiz News.
Tinutukoy ni Tirso ang 2001 Kapuso series na “Sana ay Ikaw na Nga” kung saan nakatrabaho niya si Dingdong.
“It has always been a very nice experience for me every time I work with Dingdong. He’s a very kindhearted man, he is very professional. I can see that he really loves his job,” sabi ni Tirso.
Dagdag ni Tirso, hindi hinahangad ni Dingdong ang kasikatan, kundi mahal nito ang trabaho.
“He’s not here just for the glory, for the fame or para sumikat. No hindi, he has his heart into the art itself, the craft of showbiz, of acting,” sabi ng veteran actor.
“Kumbaga you would say na Dingdong is one of the actors that he’s here for the long haul, he’s not here na para bang... he’s not a flash in the pan, he’s not just a passing fancy. Andito siya for as long as he can deliver and give beautiful stories and characters to our viewers. He will try to give his 100%,” dagdag ni Tirso.
Muling magkatrabaho sina Tirso at Dingdong sa Kapuso murder mystery drama series na “Royal Blood.”
Ito ay tungkol sa mahirap na pinagdaanan ni Napoy (Dingdong), isang anak sa labas ng isang business tycoon, at single father na nagtatrabaho bilang motorcycle rider para sa anak niyang si Lizzie (Sienna Stevens).
Magsisimula ang kaguluhan sa buhay ni Napoy sa pagkikita sa kaniya ng kaniyang amang si Gustavo Royales (Tirso) na susubukang makipag-ayos sa kaniya.
Bagaman ayaw ni Napoy, papayag siya na tumira sa mayamang pamilya ng kaniyang ama kung saan makikilala niya ang kaniyang mga kapatid sa ama na sina Kristoff (Mikael Daez), Margaret (Rhian Ramos), at Beatrice (Lianne Valentin).
Pero biglang mamamatay si Gustavo at magiging komplikado ang lahat para kay Napoy dahil siya ang magiging pangunahing suspek sa pagkamatay ng kaniyang ama.
“Noong ikinukuwento nila sa akin ‘yung pinaka-gist ng istorya, na-excite na agad ako because sabi ko nga, maganda ito, and if executed right talagang… I mean it’s a question upon another question upon another question as you continue to watch the series,” sabi ni Tirso.
“We will try as much as possible to give that to you. Kung family kayong nanonood, malamang pagkatapos niyong manood, after all, magtatalo-talo na kayo dahil may kaniya-kaniya kayong conclusion,” dagdag ni Tirso tungkol sa kanilang serye. --FRJ, GMA Integrated News