Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, may inamin ang  vlogger na si Zeinab Harake tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Bobby Ray Parks Jr.

Sa naturang programa, tinanong ni Tito Boy si Zeinab na: "Yes or no, is Bobby Ray Parks your boyfriend?"

"Yes, he's my partner now," tugon ni Zeinab. "Natutuwa ako kasi parang hindi boyfriend 'yung nakita ko and sana nga 'wag mausog." 

“‘Yun ang lagi kong sinasabi, sana huwag mausog. ‘Lord, ibigay Niyo na ito.’ Kasi he’s really a good man po,” sabi pa niya.

Nasa studio si Ray nang sandaling iyon para suportahan si Zeinab.

Naglalaro si Ray bilang Asian import para sa Nagoya Diamond Dolphins sa Japan B. League.

Inilarawan ni Zeinab na mabuting tao si Ray.

"Hindi naman po ako magtitiwala agad-agad kung hindi niya rin naman in-earn 'yun sa akin and pinatunayan niya naman na 'yung sarili niya," paliwanag niya.

Ayon pa kay Zeinab, “Hindi mo na kailangang i-explain ang sarili mo kasi merong mag-e-explain nu’n para sa ‘yo.”

May isang anak si Zeinab sa dati niyang karelasyon na si Skusta Clee, at may isa pa siyang adopted son.—FRJ, GMA Integrated News