Naglabas ng pahayag si Pokwang para linawin na wala na siyang kaugnayan sa mga joint social media account nila ng dati niyang partner na si Lee O'Brian. Kasabay nito, inihayag ng aktres ang bago nilang Youtube account ng anak niya si Malia.

Sa Instagram, ipinost ng Kapuso comedienne ang naturang pahayag nitong Lunes.

"We tried to negotiate with [Mr.] Lee O'Brian to recover the management of said social media accounts that contain Pokwang's image; however, he refused to come to an agreement with us," aton sa pahayag.

Dahil sa hindi nagkasundo, sinabi ni Pokwang na wala na siyang kinalaman sa naturang mga account na kasama niya si Lee: PokLee Cooking Official YouTube, PokLee Cooking Facebook at Instagram, at PokLee Food Products Instagram.

Ipinagbabawal din ni Pokwang na gamitin ang kaniyang larawan sa mga socmed account nila ni Lee.

"I have terminated any association in these aforesaid accounts, including the use of my image for promotions and any other purpose(s)," saad pa sa pahayag.

Kasabay nito, sinabi ni Pokwang na gumawa siya ng bagong YouTube account na  "Mamang & Malia," na kasama ang anak niyang si Malia.

"Thank you all for your love and support. Salamat po [dagdag] pang tuition ni Malia," anang aktres. "Thank you."

 

 

Nitong nakaraang linggo, naghain ng petisyon si Pokwang sa Bureau of Immigration para ipa-deport si Lee na isang American citizen.

"Kailangan nating mabigyan ng leksyon 'yung mga taong nang-aabuso sa batas natin, sa karapatan ng bawat babae, bawat nanay," ani Pokwang.

December 2021 nang maghiwalay sina Pokwang at Lee. Mayroon silang isang anak na si Malia.--FRJ, GMA Integrated News