Hindi natuloy ang second angioplasty na dapat sanang ginawa noong nakaraang Biyernes dahil umano sa komplikasyon, ayon sa King Of Talk na si Boy Abunda.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ng TV host na nakaramdaman umano ng pananakit ng likod at nahirapang humingi si Gardo isang araw bago ang nakatakdang angioplasty.
Nang dalhin sa ospital si Gardo ng kaniyang asawa, natuklasan na bumagsak ang hemoglobin ng aktor kaya kinailangan siyang salinan ng dugo.
"Hindi natuloy ang kanyang operasyon at sa kasalukuyan, siya'y nagpapahinga, he needs to rest," saad ni Tito Boy.
Tiniyak naman ng TV host na maayos ang kalagayan ng aktor.
Katunayan, nakapag-post na si Gardo ng mga video habang nagsasayaw.
Pagkaraan ng dalawang linggo, muli umanong sasailalim sa mga medical test si Gardo upang alamin kung puwede nang ituloy ang ikalawa niyang angioplasty procedure.
Matatandaan na noong nakaraang Marso, isinugod sa ospital si Gardo dahil sa heart attack. Kaagad siyang isinailalim sa anioplasty nang makitang may bara sa ugat na konektado sa kaniyang puso.—FRJ, GMA Integrated News