Sinagot ni Matteo Guidicelli ang ilang katanungan sa "Fast Talk with Boy Abunda" tungkol sa usap-usapang sigalot sa kaniyang asawa na si Sarah Geronimo at sa matagal na nitong backup dance group na G-Force ng choreographer na si Teacher Georcelle.

Sa 20th anniversary concert ni Sarah, kapansin-pansin na wala ang G-Force, at may mga bagong choreography sa kaniyang mga awitin ang pop star royalty.

"Sarah and Teacher have been together for 16 years. Sarah wanted to work with G-Force, different dancers, different choreographers and just have this synergy of greatness together," paliwanag ni Matteo kay Tito Boy nitong Lunes.

"I guess things just didn't pan out," saad pa ng aktor na balik-Kapuso na.

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Matteo tungkol kina Sarah at Teacher Georcelle, pero nilinaw niya na wala siyang kinalaman tungkol dito.

"I don't push Sarah, I stand beside her," giit ng aktor na bahagi na ngayon ng morning show sa GMA na "Unang Hirit."

"It would have been nice to have G-Force there also but maybe on another time. Whatever discussion and whatever little things here and there will be mended kumbaga," dagdag niya.

Sa kabila ng mga lumalabas na isyu, pinasalamatan at ipinahayag ni Sarah ang pagmamahal niya sa G-Force sa concert nito.

Sa inilabas na pahayag ni Teacher Georcelle, tinawag niya na "artistic differences" ang usapin tungkol sa kanila ni Sarah. Gayunman, sinusuportahan umano niya ang creative freedom ng singer-actress.—FRJ, GMA Integrated News