Inilahad ni Chariz Solomon na isa sa mapait na parte ng kaniyang kabataan ang paglaki nilang magkakapatid na magkakahiwalay.

Sa online talk show na “Just In” ni Paolo Contis, ikinuwento ni Chariz na ipinanganak siya sa Pasay City, ay isang retired colonel na Irish-German-Filipino sa Air Force ang kaniyang ama.

Sa kaniyang ama, apat silang magkakapatid nina KC, Fourth at Fifth Solomon. Gayunman, may mga kapatid sila sa panig ng kaniyang ina, at ganoon din sa kaniyang ama.

Nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, hindi na sila magkakasamang lumaki ng kaniyang mga kapatid.

“Typical Filipino OFW. Kapag umaalis, naghahanap ng pag-iiwanan ng anak. Kasi hindi nila kami ma-take in together dahil marami kami,” sabi ni Chariz.

Lumaki si Chariz sa Pasay, si KC sa Quezon City, habang sina Fourth at Fifth ay nasa kabilang kalye naman sa Pasay din.

“Ako talaga, ayoko talaga ‘yung pinaghihiwa-hiwalay ‘yung magkakapatid,” sabi ni Chariz.

“Nagsama naman kami eventually, pero since iba-iba ‘yung kinalakihan, iba-iba ‘yung trip. Mahirap ‘yung ganu’n set-up, mas maganda ‘yung sama-sama na lang,” dagdag ng Bubble Gang star.

Gayunman, sinabi ni Chariz na naging close pa rin naman sila ng kaniyang mga kapatid nang tumanda na sila.

Pinaka-close niya ngayon si Fourth.

“Kasi siguro kami pareho ‘yung may anak na. Tsaka mas magka-jive kami ng ugali, sa cooking. Mas chill kami,” kuwento ni Chariz.

Kasama naman ni Chariz sa industriya si Fifth, na director-writer na ngayon.

Sa murang edad na 13, nagsimula nang magtrabaho na si Chariz. Naranasan din niyang magtrabaho bilang ledge dancer at singer sa casino.

Naging bahagi rin ng kabataan ni Charice ang maagang matuto sa pagluluto nang grade 4 pa lang siya.

Ayon kina Paolo, at kay Valeen Montenegro na guest din sa show, mahilig magdala ng pagkain si Chariz sa kanilang taping. --FRJ, GMA Integrated News