Para sa Korean idol na si Kim Hyun-joong, hindi malayong magkakaroon din ng “Philippine wave” sa hinaharap dahil na rin umano sa malakas na energy ng mga Filipino.
“As one of the K (Korean) artists, naging looky [ako] kasi sobrang lakas ng energy ng mga Pilipino,” sabi ni Kim sa tulong ng interpreter sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“In the future, malapit na rin pong magkaroon ng Philippine wave kasi ang ganda ng energy ng mga Pilipino,” dagdag ni Kim.
Inilahad ni Kim ang mga napansin niyang pagkakatulad ng Korea at Pilipinas.
“There’s similarity between Korea and Philippines. Sa Korea sobrang dami ng mga karaoke, mahilig silang kumanta, and ‘yung billiards. Pero meron din dito (Pilipinas)... ‘Yung mga Filipino, napansin [ko] masayahin din ang mga tao rito,” anang Korean star.
Inilahad din ng “Boys Over Flowers” star kung paano nabago ng hit series ang kaniyang buhay.
“Actually sobrang sikat po all over the world talaga, hindi lang dito sa Pilipinas and sa Korea. Kaya lahat ng buhay [ko] talaga nagbago, hindi lang sa acting, and also sa singing din,” pahayag niya.
Gaya ng ibang aktor, nakaranas din si Kim ng mga pagsubok sa pag-transition mula singing hanggang acting.
“May mga awkward moment na nag-[transition ako] sa singer to acting, pero siyempre, same pa rin po na ibinibigay namin ‘yung emotions. Pareho lang po ‘yung ginagawa ko,” sabi ni Kim.
Bumisita si Kim sa Pilipinas bilang bahagi ng kaniyang "The End of a Dream" world tour, na gaganapin sa MetroTent Pasig ng 7 p.m. sa Biyernes, Abril 28.-- FRJ, GMA Integrated News