Inihayag ng Kapuso star Bea Alonzo na mayroon siyang polycystic ovary syndrome o PCOS, at hypothyroidism na dahilan ng pagbigat ng kaniyang timbang.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing ginawa ni Bea ang rebelasyon sa kaniya vlog.
Kabilang sa epekto ng pagkakaroon ng PCOS ay pagbigat ng timbang, hirap mabuntis, irregular period, oily skin o acne, at iba pa.
"Aside from having PCOS, I recently was diagnosed with hypothyroidism so that's the reason behind my gaining weight," ani Bea.
Ang hypothyroidism o underactive thyroid ay isang kondisyon kung saan hindi nakakagawa ng sapat na hormones ang thyroid gland para tugunan ang kailangan ng katawan.
Kabilang sa sintomas nito ang pagbigat ng timbang, infertility, fatigue, joint at muscle pain, at iba pa.
"I'm trying to address it now by working out, by dieting, and taking meds for it and supplements. So, wish me luck, sana matapos na siya," ayon kay Bea.
"So sa mga nagsasabi diyan, 'Bakit ang taba na daw ni Bea?' 'Yun po 'yung reason. Pasensya na po kayo," pahayag niya.
Mapapanood si Bea sa "Ang Larawan: The Concert," kasama si Jericho Rosales, at sa upcoming GMA TV series na "Love Before Sunrise," kasama si Dennis Trillo. —FRJ, GMA Integrated News