Inihayag ni Boy Abunda na nakaranas ng “silent seizure” ni Boobay kaya biglang napatigil ang komedyante habang guest niya sa kaniyang programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Matatandaan na gagawin na sana nina Tito Boy at Boobay ang "Fast Talk" segment, nang biglang tumahimik ang komedyante.
“He started to be quiet, akala ko iiyak, akala ko he was getting emotional because he was remembering how he started. Pinapanood ko lang siya. After a few seconds, instinct eh, sabi ko, ‘Something is wrong,’ sabi ng King of Talk nitong Biyernes.
"Kaya [tinanong si Boobay] ‘Are you okay?’ Siguro mga dalawa, tatlong beses, I said ‘Are you okay?’ Nilapitan ko na. Kasi I instinctively felt that something was wrong. Niyakap ko. ‘Yung weight niya alam mong nakaganu’n (nakasandal) na sa ‘yo,” pag-alala ni Tito Boy.
Dahil dito, nag-commercial break muna ang programa, kung saan tinugunan ng mga medical personnel si Boobay, na dati nang nakaranas ng stroke.
Ayon kay Tito Boy, matapos ang dalawa o tatlong minuto, umayos na ulit ang kalagayan ni Boobay.
Nalaman din ng TV host na isang “silent seizure” ang nangyari kay Boobay, bagay na sanay na ang komedyante na nangyayari sa kaniya.
“In all the years that I have been on television, that was the first time na may nangyaring gano’n,” sabi ni Tito Boy.
“Boobay if you’re watching, take good care of your health. Sabi ko paulit-ulit ‘Alagaan mo ang sarili mo,’” paalala ng TV host kay Boobay.
Sa episode naman nitong Biyernes, panauhin ni Tito Boy si Dingdong Dantes, na nabalitaan din ang nangyari kay Boobay.
“Hindi lang narinig. Nagdi-dinner kami ni Marian [Rivera] tapos may nagpadala sa kaniya ng link, at nakita nga namin ‘yung nangyari kay Boobay. Sabi niya ‘Saan ito?’ ‘Sa show. Nangyari kahapon,’" anang aktor.
"Kinabahan kami, we got really worried kasi alam namin na talagang si Boobay, siyempre nanggaling siya sa isang karamdaman, nakapag-recover naman siya roon. So when I saw it sabi ko ‘How is he?’” sabi pa ni Dingdong.
Matatandaang nagpasalamat din si Boobay sa asawa ni Dingdong na si Marian Rivera, na tumulong sa kaniya nang maranasan ang stroke noong 2016.
Ayon kay Boobay, si Marian ang nagpalipat sa kaniya ng pagamutan nang ma-stroke siya upang matiyak ang kaniyang paggaling. -- FRJ, GMA Integrated News