Hindi napigilan ng cast ng "Voltes V: Legacy” na maging emosyonal matapos mag-premiere sa mga sinehan ang "The Cinematic Experience" nitong Martes.
Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa Balitanghali, makikitang sabik ang stars ng live action adaptation na makita sa screen ang resulta ng kanilang pinaghirapan.
Sampung taon binuo ang "Voltes V: Legacy" at kinailangan ding mag-shoot ng cast sa gitna ng pandemya.
"Honestly nakakaiyak po," sabi ni Miguel Tanfelix, na gumaganap bilang si Steve Armstrong . "Kasi three years naming pinaghirapan itong show na ito so very emotional."
"Sobrang saya ko talaga kasi po kagabi hindi po talaga ako nakatulog just thinking about this movie kaya po siguro later mag-iiyakan na lang," ayon naman kay Raphael Landicho, gumaganap bilang si Little Jon.
Halo-halong emosyon din ang nadama ni Matt Lozano, gumaganap bilang si Big Bert, noong premiere.
"Hindi ko ma-explain, hindi ko ma-pinpoint kung ano 'yung nangingibabaw pero I'm very excited, very nervous at the same," sabi niya.
Proud naman sina Radson Flores, gumaganap bilang si Mark Gordon at Ysabel Ortega, gumaganap bilang si Jamie Robinson, na naging bahagi sila ng serye.
"Super proud ako na umabot kami sa ganitong point and hindi ko pa rin ma-imagine na nandito na ako ngayon," sabi ni Radson.
"Nilabas po namin talaga ‘yung puso namin dito sa project na ito so of course nandun 'yung pressure, nandun 'yung kaba. But it's the good kind, it's the excited kind," sabi ni Ysabel.
Para kay Direk Mark Reyes, ipinapakita ng "Voltes V: Legacy" sa mundo ang kakayahan ng mga Pilipino pagdating sa produksyon.
"They keep putting us down, third world country, hanggang ganyan lang ang kaya natin, mga soap opera lang na mga sampalan, heto nag-level up," anang direktor.
"Sana panoorin n'yo para makita n'yo kung anong klaseng mission ang iniisip naming gawin."
Kasama sa "Voltes V: Legacy The Cinematic Experience" ang mga eksena mula sa unang tatlong linggo ng TV series.
Eksklusibong ipapalabas ito sa SM cinemas mula Abril 19 hanggang 25. —LBG, GMA Integrated News