Isa sa mga paboritong kontrabida ng mga bida sa pelikula si Dindo Arroyo. Pero bakit nga ba siya nawalan ng ilang taon sa showbiz at nagpasyang magpaputol ng buhok?
Sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, ikinuwento ni Dindo na mula 1995 hanggang 2002, nakagawa na siya ng 123 na mga pelikula, bukod pa sa mga guesting niya sa TV.
At nang lumalaki na ang kaniyang mga anak, at napapansin na walang paglago sa nakukuha niyang role na puro kontrabida, tumigil na muna si Dindo sa showbiz.
“I got married ’95. Lumalaki na ‘yung mga bata. So I decided to be a father and a husband. Tumigil ako 2002 hanggang mga 2009,” kuwento ni Dindo.
Isa ring dahilan ng pag-alis niya sa showbiz na naging pamilyar na siya sa pagganap niya bilang kontrabida.
“Lagi na lang kasi ‘yun ang nagiging role ko, kontrabida. I wasn’t growing as an actor, kasi alam ko na eh.”
Kaya para kay Dindo, mas mahalaga ang paglaanan muna ng oras ang kaniyang pamilya.
“Mayroon akong kaunting kinita. Pero kung hindi ko naman bibigyang pagkakataon ‘yung family ko to enjoy me as a father and a husband, saying din. Kung puro trabaho na lang ang gagawin ko, lalaki ‘yung mga bata wala ako,” paliwanag niya.
Biro ni Dabarkads Jose Manalo kay Dindo, tiyak palaging maiiyak ang kaniyang mga anak dahil madalas siyang napapanood na ginugulpi o pinapatay ng mga bida sa mga pelikula.
Pero ang sinasabi raw ni Dindo sa mga bata, “Anak habang pinapatay ang tatay niyo at ginugulpi, may pagkain tayo sa mesa.”
Biro pa ni Dindo, tumigil din siya sa showbiz dahil namatay na ang mga pumapatay sa kaniya sa pelikula.
Ilan sa mga pelikulang ginawa ni Dindo ang “Dito sa Pitong Gatang” (1992), “Ang Probinsyano” (1996) at “Hagedorn” (1996), na pawang mga bida si “Da King” Fernando Poe Jr.
Si FPJ umano ang nagsabi sa kaniya na paputulan na ang kaniyang buhok, na higit isang dekada nang mahaba.
“Siguro mga 11 years, 12 years akong mahaba ang buhok,” sabi ni Dindo, habang inaalala ang pelikulang “Dalubhasa” na huling pelikula niya kasama si FPJ.
“Sabi niya, ‘Pagupit ka na. Kasi limited masyado ang character mo kapag mahaba ang buhok mo.’ Nagpo-foresight siya na, ‘Magkakaroon ka pa ng ibang role. Kung gusto nila ng mahabang buhok, maglagay ka ng wig. Kasi alam na nila ang hitsura kapag mahaba na ang buhok mo,’” pag-alala ni Dindo sa payo sa kaniya ni Da King.
Kuwento pa ni Dindo, si Philip Salvador naman ang naghikayat sa kaniya nang magsimula siya bilang isang talent o extra noong 1986.
Nabigyan siya ng break sa showbiz noong 1990 nang mapanood sa pelikulang “Ikasa Mo, Ipuputok Ko” bilang kanang kamay ng pangunahing kontrabida na si Eddie Garcia, kung saan bida naman si Philip.
Magmula noon, nakagawa kagaad siya ng higit sa 30 pelikula.
“Bakit kontrabida? Kasi maraming guwapo doon, hindi ako babagay sa bida. Sabi namin ni Philip Salvador na gawa tayo ng kontrabida naman na may hitsura rin, ‘yung iisipin na hindi kontrabida,” kuwento ni Dindo.
“Sina Edu Manzano nagkontrabida, sina Miguel Rodriguez nagkontrabida, kasi binago namin ‘yung trend ng kontrabida,” pag-alala pa ni Dindo.
Nabigyan din naman ng pagkakataon na maging bida si Dindo sa dokumentaryong “Sakay,” na kuwento ng buhay ng bayaning si Macario Sakay.--FRJ, GMA Integrated News