Inihayag ni Chuckie Dreyfus na mula sa pagiging child actor, nahirapan siyang mag-transition sa adult roles kaya pansamantala muna siyang tumigil sa showbiz.
Sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, isa sa guest choices si Chuckie tungkol sa mga artistang nagbalik sa pag-arte matapos magpahinga sa showbiz ng higit walong taon o higit pa.
Kuwento ni Chuckie, pansamantala siyang tumigil sa showbiz noong 1998 at bumalik noong 2011, nang sumali siya sa “Survivor Philippines.”
“Actually ‘yun talaga ‘yung talagang seryoso na bumalik na ako. Kasi before that, siguro guesting ng talk show, game show. Pero after that hindi naman talaga masyadong markado,” anang aktor.
Pagkasali ng Survivor Philippines, nagtuloy-tuloy na si Chuckie na gumanap sa mga teleserye sa Kapuso Network.
Inilahad niya ang dahilan kung bakit pansamantala siyang huminto sa pag-arte.
“Child actor kasi ako dati. Noong nag-transition na ako noong maging serious to adult, ang hirap noong transition kasi ang utak ng tao akala nila bata pa rin ako,” saad ni Chuckie.
“Gusto kong magseryosong acting na medyo matanda na, pero hindi nila ma-connect kasi nga ang alam nila bata ka pa rin,” dagdag pa niya.
Dahil hindi na kinukuha sa child roles, nagpahinga muna si Chuckie.
“Nagpahinga na ako. I decided pahinga muna ako and then noong break na ‘yon… Doon na rin ako nag-asawa, nagkaroon ng pamilya and nag-business ng kaunti,” aniya.
Ayon kay Chuckie, nakilala niya ang kaniyang misis na si Aileen noong nasa “That’s Entertainment” pa siya, kaya nauunawaan nito ang kaniyang buhay bilang isang aktor.
Hanggang sa ma-miss ni Chuckie ang pag-arte at bumalik ang kagustuhan niyang mag-artista.
“Tanggap naman niya kasi nga alam niya na galing ako sa industriya. Minsan tinatanong niya ako kung gusto nami-miss kong bumalik, sabi ko nami-miss ko naman. Totoo naman na nam-miss ko dahil simula bata pa lang nag-a-acting na ako, so kinagisnan.”
“Bumalik na rin naman ako, suportado naman ako niya,” dagdag ni Chuckie.
Inilahad ni Chuckie ang mga naging hamon nang bumalik siya sa pag-aartista.
“May konting kalawang which is expected. Pero kapag nagsimulan mo na, tama nga parang sumasakay ka ng bisikleta, kapag sakay mo mage-gets mo, Ah okay, kaya ko pa pala ito, ganito pala yun, kaya ko pa,” sabi niya.
Napapanood si Chuckie bilang si Dr. Ray Meneses sa Kapuso afternoon series na “Abot-Kamay na Pangarap.”
Kahit matagal na sa industriya, may ilang roles pa rin si Chuckie na gusto niyang masubukang gampanan.
“Siguro gusto ko mga challenging… gusto kong maging isang kontrabida. Maganda nga ‘di ba, hindi halata. Ang challenging roles kasi ‘yan ‘yung mga kontrabida, o may kapansanan ka, o masama ka pero hindi alam ng bida na masama ka kasi nga hindi ka mukhang masyadong goons,” sabi niya. —VBL, GMA Integrated News