Nakaharap ng 'King of Talk' na si Boy Abunda ang kaniyang impersonator na si “Tito Bhoy,” na si Jayson Gainza sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Alam mo ang dami mong utang sa akin. Ito’y diretsahan na, nandito na lang tayo sa GMA-7, ngayon lang tayo nagkita. Ang dami mong utang sa akin na komisyon. Ilang beses ka nang nakapag-abroad dahil ikaw si ‘Tito Bhoy’! Ni hindi ka nagpapaalam sa akin, wala akong komisyon,” biro ni Tito Boy kay Jayson.
“Binibigay ko po sa inyo pero wala naman kayo sa inyong bahay,” hirit naman ni Jayson.
At kung merong “Fast Talk” si Tito Boy, meron namang “Fast Walk” si Tito Bhoy, na nagpaikot-ikot sa studio habang sumasalang sa segment ng mga mabilisang sagot sa tanong.
Tinanong si Jayson kung siya ang pipili ng kaniyang sidekick, sino ang kaniyang pipiliin? Tugon ng aktor, si Dingdong Dantes. At kung magiging leading man naman, pipiliin ni Jayson si Maine Mendoza ang nais niyang katambal.
Humingi si Tito Boy ng payo kay “Tito Bhoy” kung ano ang mga puwedeng niyang itanong sa mga artistang hindi pa niya nagiging panauhin ng katulad nina Dennis Trillo, Tom Rodriguez, Jennylyn Mercado, Heart Evangelista at Dingdong Dantes.
Panoorin ang kulitan nina Tito Boy at Tito Bhoy sa video ng “Fast Talk with Boy Abunda.” --FRJ, GMA Integrated News