Ibinalita ng 68-anyos na Spanish TV actress na kadugo niya ang sanggol na kaniyang inampon dahil nabuo ang bata sa pamamagitan ng "surrogacy" sa Amerika, gamit ang frozen sperm ng namayapa niyang anak.

Sa ulat ng Reuters, ang sanggol na pinangalanang Ana Sandra, ay isinilang ng surrogate mother na isang Cuban na naninirahan sa Miami, Florida.

"This girl isn't my daughter, but my granddaughter," sabi ng TV actress na si Ana Obregon sa celebrity magazine na ¡Hola!

"If that was my son's last will and testament, how could I not do it?," ayon pa sa aktres sabay dagdag na tanging magulang lang na nawalan ng anak ang may karapatan na magpahayag ng pananaw tungkol sa kaniyang ginawa.

Taong 2020 nang pumanaw ang anak ni Ana na si Aless Lequio dahil sa kanser, sa edad na 27. 

Nitong Marso 29, iniulat ng ¡Hola! na may inampon si Ana na sanggol sa pamamagitan ng surrogate pregnancy sa Miami.

 

 

Mainit na naging usapin sa Spain ang ginawa ni Ana dahil sa mga puna laban sa anumang uri ng surrogacy, na pinapaniwalaang paglabag sa karapatan ng kababaihan at pagsasamantala ng mga nangangailangan.

Hindi pa umano nagbibigay ng pahayag ang aktres at kaniyang management agency tungkol sa naturang usapin.

Pero sinabi ni Ana sa ¡Hola! na hindi isyu sa Amerika ang surrogacy.

"People here are open-minded, but in Spain, my God, we are in the last century," ani Ana.

Sinabi pa ng aktres nais sana ng kaniyang pumanaw na anak na magkaroon ng limang anak kaya posibleng masundan pa ang kaniyang apo sa pamamagitan ng surrogacy gamit ang sperm ng kaniyang anak. — Reuters/FRJ, GMA Integrated News