Malapit nang magpaiyak, magpatawa, at maghatid ng iba’t ibang feels ang walong pelikulang kasali sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival na ipalalabas sa mga sinehan simula sa Sabado, Abril 8.
Nitong Linggo, masayang ginanap ang Parade of Stars para sa pelikulang kalahok, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Lunes.
Kaniya-kaniya na ng screening ang walong pelikulang kasali katulad ng “Unravel: A Swiss Side Love Story,” na tumatalakay sa mental health, na pinagbibidahan nina Kylie Padilla at ni Gerald Anderson.
Kasali rin ang “Apag,” na alay ni direk Brillante Mendoza sa kaniyang pagiging isang Kapampangan.
Present sa special screening ng pelikula sina National Artist for Film and Broadcast Arts at GMA Network Entertainment Creative Consultant Ricky Lee, at Laurice Guillen ang anak na si Ina Feleo.
K-drama naman ang loop ng pelikulang “Yung Libro sa Napanood Ko” nina at Bella Padilla at Yoo Min-Gon. Si Bella rin ang mismong nag-direk ng pelikula.
May special participation din sa pelikula si “King of Talk” Boy Abunda.
Tampok naman sa “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” ang buhay ng sikat na singer na si Rey Valera, na dinirek ni Joven Tan. Kabilang sa cast sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News