Hindi nahirapan si Vilma Santos-Recto na agad tanggapin ang pelikulang pagtatambalan nila ni Christopher "Boyet" de Leon. Gagampanan nila ang karakter na OFW at muling magmamahal sa kabila ng kanilang edad.
“Right away I fell in love with the story, plus si Christopher pa. Kaya hindi ako nahirapan um-oo,” sabi ni Ate Vi sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Sa movie na “When I Met You in Tokyo,” gaganap sina Vi at Boyet na mga OFW na magkaibigan, hanggang sa sila’y nagka-ibigan.
“We slowly became good friends and then since we’re both available rin, the friendship started there and eventually, makikita niyo,” sabi ni Christopher.
“Ang maganda kasi na isang nagustuhan ko rin, wala sa edad ‘yung puwede kang ma-inlove,” sabi ni Ate Vi tungkol sa pelikula.
Itinuturing na isa sa matatag na loveteam ang tambalang “Vilma-Boyet” dahil 48 taon na silang nagtatambal sa mga pelikula, mula pa noong 1975 sa “Tag-ulan sa Tag-araw.”
Ang Kapuso directors na sina Rommel Penesa at Conrado Peru ang magdidirek ng pelikula.
Kasama rin nila sa cast sina Gina Alajar, Tirso Cruz III at Cassy Legaspi.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News