Inihayag ni David Licauco ang kaniyang natutunan sa mundo ng showbiz, na hindi sapat ang papogi o pagpapaganda, sa halip ay dapat bigyan ng pagpapahalaga ang passion sa acting.
Sa panayam sa kaniya sa vlog ng talent manager na si Ogie Diaz, binalikan ni David ang hirap ng pagsisimula niya noon sa showbiz, at sumali rin siya sa acting workshop ni Ogie.
Sumabak din si David sa Mr. Chinatown noong 2014.
“After that, wala naman akong nakuhang mga shows eh. Tinry kong maging commercial model, nag-VTR ako, nag-fashion shows ako,” kuwento ni David.
Gayunman, hindi nakuha si David sa mga commercial. Inalala niya rin na nilalakad pa niya noon ang mga building sa Makati para mag-audition at makapag-VTR ng mga agency.
“Siguro mga tatlong beses sa isang araw ang pinupuntahan kong VTRs. Ni isa never akong nakuha,” kuwento ng “Pambansang Ginoo.”
Nakuha siya ng mga dalawang beses sa mga fashion show, pero hindi para sa big brands.
“At that time kinu-question mo ‘yung sarili mo kung para sa akin ba ‘to? Baka hindi naman para sa akin, nagsasayang lang ako ng oras. I just kept on trying, sinubukan ko lang talaga,” sabi ni David.
Taong 2017 nang bumuti ang career ni David nang maging manager niya si Arnold Vegafria. Gayunman, hindi pa rin niya maiwasang makaisip ng pagdududa sa sarili.
“At that time iniisip ko kung enough ba ‘yung hitsura ko? Kasi before iniisip ko lang kapag maganda ‘yung katawan mo pwede ka na eh. Siguro iniisip ko that time hindi ako ganu’n kagwapo. Hindi rin ako ganu’n ka-confident,” kuwento niya.
Sabi pa ni David, hindi niya naranasang pumunta sa mga prom o makagala sa mga field trip dahil “highly conservative” ang kanilang paaralan.
“‘Yung confidence ko mababa. Mahiyain ako, I didn’t know how to present myself. Siguro ‘yun ‘yung insecurity ko growing up eh.”
“Kaya rin siguro hindi ako nakuha sa mga fashion show before. I feel like right now, siyempre ang hanap ng brands is ‘yung confident, kumbaga may dating. Siguro that’s what I lacked that time,” sabi ni David.
Noong magwagi bilang Mr. Chinatown Philippines 2014, masaya na si David sa guestings ng ilang programa, ngunit hindi pa siya makuha sa mga show.
“I never got a show because hindi naman ako passionate with my acting. Hindi rin ako marunong umarte. Akala ko dati magpapogi ka lang puwede ka nang maging artista. Akala mo ang saya-saya artista pero sa totoo lang, hanggang mga 4:30 a.m. kayo matatapos,” saad ni David.
“I mean, showbiz is hard. It’s not for everyone,” dagdag niya.
Maituturing big break kay David ang pagkakasama niya sa hit historical portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra,” kung saan gumanap siya bilang si Fidel, ang matalik na kaibigan ni Crisostomo Ibarra, na ginampanan ni Dennis Trillo.
Nahulog ang loob ni Fidel kay Klay Infantes, ginagampanan ni Barbie Forteza, na nakapasok sa mundo ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Bukod na naipamalas ni David ang kakayahan niya sa pag-arte, pumatok din sa fans ang tambalan nila ni Barbie bilang “Team FiLay.”
“Hindi pa rin ako makapaniwala na I’m in this position, feeling ko same pa rin sa dati. But of course now na mas nakikilala na ako tsaka mas marami na ‘yung responsibilities ko. It’s really blessed to be in this position,” sabi ni David. -- FRJ, GMA Integrated News