Kilala bilang isang anime tungkol sa isang battle machine na handang ipagtanggol ang mundo mula sa mga mananakop, kinagiliwan ng maraming bata ang Voltes V noong ipalabas ito sa Pilipinas.
Kaya naman inihayag ng GMA Head Writer na si Suzette Doctolero na hamon ang pagsusulat ng kuwento para sa live-action adaptation na “Voltes V: Legacy.”
“Ang challenge ng Voltes V, ginawa siyang pambata, anime siya, cartoons sa panahon natin… Paano siya ia-adopt na ang audience hindi lang bata, may matanda,” sabi ni Doctolero sa online talk show na “Just In.”
“Kasi sa cartoons din, hindi masyadong nag-dwell doon sa drama o sa emotional eh, kasi siyempre puro fight scenes ‘yan. Pero kapag in-adopt mo na into a soap, kailangan ‘yung hugot ng emotional, nandoon, at meron naman talaga,” dagdag ni Doctolero.
Nauna nang sinabi ni Doctolero na dahil hindi na lang mga bata ang audience kundi “all ages,” ginawa nilang mas “humanized” ang mga karakter.
Iginiit ni Doctolero na may pagkakaiba sa paggawa ng live action at anime.
“Kasama sa pagsusulat ng live adaptations ang adjustment na gawin silang tao as much as possible. Tao, okey? Hindi cartoons,” sabi niya.
Ayon kay Doctolero, may pahintulot na ang Toei Company, ang orihinal na lumikha ng “Voltes V” anime series, sa kuwento ng “Voltes V: Legacy” na proyekto ng Kapuso Network.
Kaya naman inanunsyo nitong “fully licensed franchise” na ang “Voltes V: Legacy” ng classic anime. —LBG, GMA Integrated News