Pagdating sa Pinoy Henyo segment ng "Eat Bulaga," pantay-pantay ang lahat gaya ng manager at waiter ng isang resto bar na okay lang magsigawan hanggang mamaos basta masagot lang nila ang pinapahulaang salita.
Sa episode nitong Lunes, naglaro ang manager na si JD, katandem ang waiter nila sa resto bar na si Jayson.
Sabi ni Jayson, mabait at hindi masyadong istriktong boss si JD, na napag-alaman na dating bartender sa kanilang pinapasukan bago na-promote bilang manager.
Ayon kay JD, sa halip na pagalitan kapag may pagkakamali ang kanilang staff, maayos niya itong kinakausap para ma-motivate sa kanilang trabaho.
Sa pagsalang nila sa elimination round, si JD ang nanghula ng Henyo word habang si Jayson ang tagapagbigay ng clue.
Saktong pagkain na "Tokneneng," ang pinapahulaang salita, at parehong paborito nila kaya nasagot nila ang tanong sa loob lang ng mahigit 48 segundo.
Sa naturang round, nanalo ang dalawa ng P10,000 at sila rin ang naglaro sa jackpot round na P50,000 ang premyo kapag nakasagot ng tatlong Henyo words.
Dito na tumindi ang sigawan ng dalawa lalo na si JD na halos mamaos na sa Henyo word na "Shih tzu," dahil nalalampasan ni Jayson ang clue na "aso."
Sa huli, nakuha nina JD at Jayson ang tatlong sagot na halo-halo, shih tzu at nilagang baka, para maiuwi nila ang kabuuang P60,000 na premyo. Panoorin ang nakatutuwa at nakakapagod na episode.--FRJ, GMA Integrated News